SI SARANGGANI Rep. Manny Pacquiao pa rin ang pinakamayaman sa mga kongresista.
Batay sa inilabas na summary report ng House of Representatives SALN ng 15th Congress, si Pacquiao ay may kabuuang networth na mahigit sa P1.7 bilyon.
Pumapangalawa si dating Unang Ginang at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na may networth na mahigit sa P922 milyon, pumapangatlo si House Speaker Feliciano Belmonte na P817 milyon, pang-apat si Negros Occidental Rep (3rd district) Alfredo “Albee” Benitez P702 milyon, at pang-lima si Negros Occidental Rep. Jules Ledesma na P590 milyon.
Pang-anim si Leyte Rep. Martin Romualdez sa networth na P474 milyon, Las Pinas Rep Mark Villar na P361 milyon, ang natalong si Iloilo Rep. Augusto Syjuco na P301 milyon, Tarlac Rep. Enrique Cojuangco P214 milyon at Rizal Rep Joel Duavit na P195 milyon.
Pang-20 puwesto naman si dating pangulo at Pampanga Rep Gloria Macapagal Arroyo na may mahigit P 120 milyon na networth.
Naitala naman muli bilang pinakamahirap na kongresista si Anakpawis Rep. Rafael Mariano na may networth na mahigit sa P92,000 kung saan noong 2011 ang kanyang networth ay nasa P46,946.73 lamang.
Nasa pang-29 na pwesto naman si dating Ang Galing Pinoy Rep. Juan Miguel Arroyo na may networth na P100.5 milyon at ang kapatid na si Camarines Sur Rep. Dato Arroyo naman ay nakapagtala ng P86.2 milyong networth na halos hindi nagbago mula noong 2011.