TATANGGALIN na ng Department of Justice ang kontrobersyal na online libel sa Cybercrime Law.
Mag-eendorso ang DOJ ng bagong version ng Cybercrime Law o Republic Act 10175 sa Kongreso.
Sa 3rd Regional Workshop on Cybercrime sa isang hotel sa Pasay City, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na bumalangkas ng bagong bersyon ng Cybercrime Law ang DOJ Office of Cybercrime na kanilang isusumite sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo.
Sinabi naman ni Justice Assistant Secretary Geronimo Sy na wala na ang online libel sa enhanced version ng batas.
Matatandaang nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa Cybercrime Law noong Oktubre 12, 2012 at pinalawig pa nitong Pebrero 5 matapos kwestyunin ng ilang personalidad at grupo.