PATAY ang dalawang Pinoy samantalang dalawang iba pa ang iniulat na sugatan matapos na bumangga ang kanilang sinasakyang kotse sa isang road train sa Warrego Highway sa pagitan ng Dalby at Jondaryan sa State of Queensland sa Australia.
Batay sa nakalap na impormasyon nakiusap ang Philippine Embassy na ‘wag munang isapubliko hangga’t hindi nila naaabisuhan ang mga pamilya sa Pilipinas
Ayon sa inisyal na paliwanag ng pulisya, nag-drive sakay ng Subaru Sedan nitong nakalipas na Linggo sa kabilang daan ang mga Pinoy dahil sa traffic ang dalawang lane ay naging isa na lamang.
Sa teorya ng pulisya, dahil sa haba ng highway sa inakala na dalawang lanes pa rin ang binabaybay nito kaya naging salungat na pala ang dinadaanan nila hanggang sa mangyari ang malagim na aksidente.
Dead-on-the-spot ang dalawa habang kritikal ang kalagayan ng dalawang iba pa na ngayon ay binabantayan sa ospital.
Isa sa mga namatay na biktima ay nasa 39-anyos na taga-Antipolo City.
Ang apat ay pawang nagtatrabaho sa isang power distribution at telecommunications company na John Holland.
Sa pahayag naman ng labor attache ng Philippine Embassy sa Canberra, sinasabing babayaran ng kompanyang pinagtatrabahuhan ng mga Pinoy ang kanilang bill sa ospital dahil nakasaad ito sa kanilang kontrata.
Sasagutin naman ng John Holland ang repatration sa bangkay ng dalawang namatay na Pinoy.
Ang biyahe ng mga Pinoy workers mula sa Dalby patungo sa isang Metropolitan area ay para bumili sana ng ticket ng eroplano para sa kanilang pag-uwi sa darating na Pasko sa Pilipinas subalit nauwi sa trahedya ang kanilang biyahe.