SA darating na Agosto 6 nakatakdang buksan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isa sa tatlong Integrated Provincial Bus terminal na magsisilbing daan upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Organized Bus Route Director Mila Silvestre, sa oras na mabuksan na ang naturang terminal na nasa bahagi ng Coastal Road, dito na magsasakay at magbababa ng kanilang mga pasahero ang mga bus na magmumula sa bahagi ng Cavite at Batangas.
Napag alaman naman kay MMDA Chairman Francis Tolentino, isusunod nilang buksan ang dalawa pang provincial terminal na itinayo sa bahagi ng Trinoma North Avenue para naman sa mga bus na magmumula sa Northern Luzon at ang isa pa ay sa FTI sa Taguig City na magiging terminal naman ng mga bus na magmumula sa Southern Luzon.
Ayon kay Tolentino, sa oras na maging operational na ang tatlong integrated provincial bus terminal, tuluyan ng maaalis ang mga terminal ng mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA.
Ayon pa kay Tolentino, may 85 pang mga provincial bus terminal ang nasa Metro Manila at 45 sa mga ito ay matatagpuan sa kahabaan ng EDSA.
Naniniwala si Tolentino na hindi lamang magiging maluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA sa oras na makumpleto na ang operasyon ng tatlong integrated provincial bus terminal kundi masusugpo na rin ang mga colorum at out-of-line buses.
The post Integrated Provincial Bus terminal, bubuksan na appeared first on Remate.