TULAD ng inaasahan si Sen. Franklin Drilon na ang bagong pangulo ng Senado sa pagbubukas ng sesyon ng 16th Congress kaninang umaga.
Ito ay makaraang makakuha ng 17 boto ng mga senador si Drilon, laban sa anim na boto na nakuha ng katunggali na si dating Senate President Juan Ponce-Enrile, na awtomatiko namang uupo bilang Senate minority leader.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Drilon ang kanyang mga kasamahan sa Senado na maging sensitibo sa hinaing ng taumbayan lalo na sa mga mahihirap.
Sinabi rin ni Drilon sa mga baguhang senador na wag mag dadalawang-isip na kumonsulta sa mga beteranong senador upang mapag-ibayo pa ang pagganap sa kanilang tungkulin at maging epektibo ang Senado bilang institusyon sa harap na rin ng mga isyu na ipinupukol laban sa ilan nilang kasamahan.
Nahalal naman bilang Senate President Pro-Tempore si Sen. Ralph Recto na sinamahan ng kanyang anak at misis na si Batangas Gov. Vilma Santos Recto sa panunumpa, habang nahalal din bilang Senate majority leader o chairman ng committee on rules si Sen. Alan Peter Cayetano.
Samantala, muli namang nahirang si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte bilang House Speaker.
Sa botong 245, nakuhang muli ni Belmonte ang speakership at ang Minority Leader ay si San Juan Rep. Ronaldo Zamora dahil nakuha nito ang botong 18 samantalang 16 boto lamang ang nakuha ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Agad nanumpa si Belmonte bilang speaker sa pinakabatang kongresista na si Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo kasama ang kanyang mga anak sa pangunguna ni Quezon City vice Mayor Joy Belmonte.
Nag-abstain naman si Navotas Rep. Toby Tiangco.
The post Drilon, bagong Senate President appeared first on Remate.