NAGTUNGO sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa sa 97 local executives na isinasangkot sa P900 milyon Malampaya fund scam.
Sina Pila Laguna Mayor Wilfredo Quiat at Binmaley, Pangasinan Mayor Simplicio Rosario ay personal na nagtungo kahapon sa NBI upang magsumite ng kanilang affidavit na nagsasaad na wala silang kinalaman sa paglustay ng nasabing pondo at wala rin silang natanggap na halaga mula sa Malampaya fund.
Ang nasabing halaga ay inilaan para sa mga bayan at lungsod na sinalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng noong taong 2009, pero ang pondo ay napunta lamang umano sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Nauna nang tinukoy ng pork barrel whistleblowers na pineke umano ng mga empleyado ni Napoles ang pirma ng mga nasabing alkalde para palitawin na sila ay nakinabang sa Malampaya Fund.
Kaugnay nito, nanawagan naman si NBI Spokesman Cecilio Zamora sa iba pang mga alkaldeng isinasangkot na makipagtulungan sa imbestigasyon dahil ito na ang pagkakataon para malinis ang kanilang pangalan.
The post 2 mayor lumutang sa NBI para pabulaanan na sangkot sa pork barrel scam appeared first on Remate.