NASUGATAN ang isang sundalo nang masabugan ng improvised explosive device (IED) sa National highway boundary ng Barangay Magibis, Datu Paglas Maguindanao at North Cotabato.
Ayon kay Barangay Captain Arsmtrong Magibis ng Barangay Magibis, Datu Paglas, Maguindanao, unang sumabog ang IED bago mag-alas-6:00 kaninang umaga at natamaan ng shrapnel ang tuhod ng biktima na kinilalang si Corporal Edwin Dumuser.
Sa salaysay ni Magibis, isang barangay kagawad ang nag-abiso sa kanya na may pinaghihinalaang IED sa nasabing daan kaya agad nila itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.
Mabilis namang rumesponde ang joint forces ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army, Datu Paglas-Philippine National Police (PNP), North Cotabato-PNP at Explosive Ordnance Disposal team ng Tacurong City-PNP.
Sa isinagawang search operation ng pulisya, natagpuan ang isa pang IED malapit lamang sa lugar na unang pinagsabugan at agad na-detonate alas-7:45 ngayong umaga.
Matapos sumabog ang unang IED, agad kinordon ang national highway at temporaryong hindi pinadaanan ang mga sasakyan na nagresulta sa halos dalawang oras na pagka-stranded ng mga pasahero mula lungsod ng Davao at Tacurong.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa panibagong pagsabog ng IED.
Inaalam din kung sino ang mga responsable at motibo sa paglalagay ng IED sa tabi ng daan at kung anong uri ng IED ang sumabog.
The post IED sumabog, sundalo sugatan sa N. Cotabato at Maguindanao appeared first on Remate.