PLANO ng Commission on Elections (COMELEC) na gamitin ang savings nito para sa idaraos na October 28 Barangay elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr., umaabot lamang sa P1.1 bilyon ang pondong inaprubahan ng Kongreso para sa barangay elections gayung ang aktuwal na gagastusin nila sa halalan ay tinatayang aabot sa P3.2 bilyon.
Aniya, kapus na kapos sila sa budget at wala silang magagawa kundi balikatin na lamang ang kakulangang pondo.
Sa ngayon ay plano aniya nilang gamitin na lamang ang may P2.3 bilyong sariling pera o savings ng poll body upang pondohan ang nalalapit na halalan.
Ang naturang pondo ay gagamitin sana nila sa pagpapatayo ng panukalang COMELE building ngunit dahil gagamitin na ang pondo para sa barangay polls ay tiyak aniyang maaantala na ang pagpapatayo ng naturang gusali.
Ginarantiyahan naman ni Brillantes na matutuloy ang barangay elections sa Oktubre 28.
“COMELECvneeds P3.2B for the Oct 28 polls but Congress only alloted P1.1B for the purpose,” ani Brillantes. “Savings namin ang gagamitin sa barangay elections. Ganun namin ka-mahal ang mga Barangay.”
Kaugnay nito, sinabi rin ni Brillantes na kung magpa-function naman ang barangay nang wala ang Sangguniang Kabataan (SK) ay plano nilang isulong na ng tuluyan ang abolisyon o pagbuwag sa SK system.
Naniniwala ang mga poll officials na hindi matutuloy ang SK polls dahil nagkakasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso hinggil sa SK postponement kaya’t plano anila ng poll body na pabagalin muna ang paghahandang isinasagawa para dito.
Matatandaang nitong Martes ay ipinasa na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang naglalayong i-postpone ang SK polls sa Oktubre 2014 at inaasahan namang magsusumite rin ng kahalintulad na panukala sa Kongreso.
“With the House and Senate, most probably mapo-postpone na ang SK,” aniya Brillantes.
Una na rin namang sinabi ni Brillantes na pabor sila sa pag-aantala at abolisyon ng SK dahil nagiging breeding ground lamang umano ito ng corruption.
Tutol naman ang poll body na sa 2014 ituloy ang SK polls at sa halip ay ipinanukalang ituloy na lamang ito sa taong 2016, o matapos ang susunod na presidential polls.
“Ang consensus talaga, i-postpone na. Wala namang achievement, walang performance, sayang ang pera. (Nagiging) breeding ground lang for graft and corruption,” aniya pa. “We want to postpone it and see what will happen. Kapag nakapag-function ang barangay without an SK, we will try to work for its abolition. Kung kailangan, then we will have the elections in 2016.”
“Sa 2014, malabo ‘yun. Wala kaming budget for an election. Sa 2015, masyadong malapit sa 2016 presidential elections,” paliwanag pa ni Brillantes. “Talagang pinaka-logical sa October 2016,” aniya pa.
The post COMELEC savings, gagamitin sa barangay polls appeared first on Remate.