BINALAAN ng toxic watchdog group na EcoWaste Coalition ang publiko hinggil sa pagkalat ng “feeding bottles at sippy cups” ng mga sanggol na may taglay na Bisphenol A (BPA) na mapanganib sa kalusugan ng mga sanggol.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng grupong EcoWaste Coalition, ang BPA ay isang compound na ginagamit sa produksyon ng polycarbonate plastics at epoxy resins.
Sinabi ni Lucero na mapanganib ang BPA sa mga sanggol dahil maaari itong makaapekto sa natural hormones at sa kalusugan.
Partikular aniyang naapektuhan nito ang mga batang lalaki dahil sa posibilidad nang pagdami ng cancerous cells sa prostate tissue sa kanilang pagtanda.
Iginiit ni Lucero na kung hindi aaksyon ang mga awtoridad laban sa mga “feeding bottle at sippy cup” na may BPA mula China at Taiwan ay tuluyan nang makakapasok ang mga ito sa bansa.
Sa ginawang pag-iikot ng Ecowaste, ilang tindahan sa Divisoria ang nakitaan ng kawalan ng impormasyon hinggil sa BPA content ng kanilang mga produkto.
Sa 51 samples mula sa mga nasabing tindahan, 19 o 37% dito ang may label na BPA-free at 32 o 63% naman ang walang nakalagay kung BPA-free o hindi.
Kaugnay nito, muling hinikayat ng grupong Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na aksyunan na ang administrative order na magbabawal sa BPA sa feeding bottles at sippy cups ng mga sanggol.
The post Feeding bottles, sippy cups na may BPA ibinabala appeared first on Remate.