HINDI sinisisi ng mga Filipino ang tandem nina Pres. Benigno Simeon Aquino III at Vice Pres. Jejomar Binay sa nararanasan nilang kahirapan sa kasalukuyan.
Sa report ng Social Weather Stations (SWS), naniniwala ang mga Pinoy na sila’y mahirap.
Sa fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nagsasabing kulang sila sa pagkain.
Para sa political analyst na si Ramon Casiple, hindi nararamdaman ng mga mahihirap ang paglago ng ekonomiya ng bansa kahit pa ipinagyayabang ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na sinisikap ng administrasyong Aquino na maibsan ang paghihirap ng mga mamamayan.
Katunayan ay “highest priority” ang poverty reduction at social protection programs ngayong 2014.
Sa buong 2013, lumitaw na 52% ng mga pamilyang Pinoy ang naniniwalang mahirap sila. Wala itong pagbabago sa naitala noong 2012.
Bumaba naman ng 2 percentage points ang self-rated food poor – 41% ang average noong 2012 habang 39% nitong 2013.
Isinagawa ang survey noong Disyembre 11 hanggang 16 sa 1,550 indibidwal edad 18 pataas at unang inilathala sa Business World.
Samantala, nananatiling mataas ang trust at approval ratings nina PNoy at Binay, batay sa pinakahuling Pulse Asia srvey.
Batay sa resulta ng December 2013 survey ng Pulse Asia, nakakuha ng 73% trust at 74% approval rating si PNoy habang 80% trust at 77% approval si Binay.
Bumaba naman ang puntos ni Senate President Franklin Drilon na nasa 43% mula sa 50-porsyento noong Setyembre, samantalang tumaas ang naitalang porsyento nina House Speaker Feliciano R. Belmonte, Jr. (43%), at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes A. Sereno (44%).
Si Drilon din ang may mataas na disapproval and distrust rating na nasa kapwa 21%; habang nakapagtala si Belmonte ng 18% at 20% disapproval and distrust points at si Supreme Court Chief Justice Sereno, 18% at 17%.
Ginawa ang survey noong Disyembre 8-15, 2013 sa 1,200 respondents, isang buwan matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda sa Visayas.
The post Mahihirap na Pinoy dumarami pa appeared first on Remate.