UMAAPELA ng tulong sa publiko ang Social Action Center ng Diocese of Tandag sa Surigao del Sur at Diocese of Mati matapos lumikas ang libo- libong residente dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon kay Rev. Fr. Antonio Galela, Social Action Director ng naturang Diocese, kailangang-kailangan ngayon ng mga mamamayan na nasa evacuation center ang pagkain, tubig at gamot.
Inihayag ng pari na kumikilos na ang simbahan para tugunan ang pangangailangan ng mga residente sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
“Sa ngayon ang Social Action Center sa Tandag ay nagplano na at nagbibigay na ng food packs, nakipag-coordinate din kami sa Provincial Government, Local Government o Municipal Government para magtulong-tulong kami sa pagbigay ng food packs sa lahat ng mga evacuation center, ”ani Galela.
Sa kabila naman nito, patuloy pa rin ang pangangailangan ng tulong ng mga apektadong residente lalo na’t marami ang nawalan ng kabuhayan gaya na lamang ng mga magsasaka.
Umaapela rin naman ng tulong ang Diocese of Mati para sa mga residente na apektado ng bagyong Agaton.
Ayon kay Fr. Roland Sayman, Social Communications Director ng Diocese ng Mati at station manager ng Diocesan Radio Station sa nasabing lalawigan, mas malaki ang nangyaring pinsala sa kanila ng magkasunod na sama ng panahon at bagyo kaysa noong Bagyong Pablo.
Ang mga nasirang tulay anya sa east coast municipality ng lalawigan ay tuluyang nawasak at hindi na madaanan dahil sa rumagasang tubig na may dalang malalaking troso mula sa kabundukan.
Ito ay bunsod anya ng illegal logging na nangyayari sa lugar.
Tiniyak rin naman ni Fr. Sayman na nagsimula na ang pagdating ng tulong sa kanilang lalawigan ngunit kinakailangan pa rin ng dagdag na ayuda para muling makabangon ang kanilang lalawigan.
The post Mga residente ng Surigao del Sur nagpasaklolo na appeared first on Remate.