NATUKLASAN ng mga pulis na sangkot sa mga holdapan ang dalawang lalaking nagbarilan dahil sa onsehan sa droga sa Caloocan City kaninang madaling-araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Charben Duarte, 20 ng North Bay Boulevard, Navotas at Mark Joseph Sarcilla, 26 ng Carville Homes, Hulong Duhat, Malabon City.
Sa ulat, alas-5 ng madaling-araw, hinahanap nina Sarcilla kasama sina alyas “Bart”, “Palaka”, “Buzzer” sakay ng dalawang motorsiklo si Duarte dahil hindi nag-remit sa kinuhang droga hanggang sa makita sa San Francisco St., ng lungsod.
Tinangka pang umiwas ni Duarte at tumakas subalit hinabol ng mga kalaban hanggang sa magpang-abot sa Don Jose St., ng lungsod at doon nagbarilan.
Nahagip ng bala si Duarte kung saan tinamaan naman ng ligaw na bala si Nancy Deogra, 48 na naging dahilan upang dalhin sa Jose Reyes Memorial Medical Center habang sa Caloocan Medical Center si Duarte.
Nadakip naman ng mga pulis si Sarcilla habang nakatakas ang mga kasama kung saan nakuha sa una ang kalibre .45 at mga bala habang nakuha kay Duarte ang kalibre .45, mga bala, granada, sachet ng shabu, paraphernalia at ID ng Philippine International Anti-Graft Task Force.
Lumalabas na si Duarte ang isa sa dalawang suspek na humoldap sa LBC Express Padala sa Rizal Avenue Ext., ng lungsod noong Enero 7, 2014 habang si Sarcilla naman ang humoldap sa estudyanteng si Admir Burton Paliota bago maganap ang barilan.
The post 2 holdaper nagbarilan sa Caloocan appeared first on Remate.