SWAK sa kulungan ang dalawang pedicab driver matapos madakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang entrapment operation sa Iloilo City, nitong Martes (Enero 29).
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang nadakip na si Damian Cataluña na kasama sa PDEA Regional Order of Battle sa Western Visayas at si Ronnie Pulma, alyas Boy-Boy,34, pedicab driver din ng Jereos Extension, Lapaz, Iloilo City.
Ayon sa PDEA, nadakip ang mga suspek sa isang drug transaction sa pagitan ng isang undercover agent sa Jereos Extensioin, Lapaz, Iloilo City.
Inaresto ng mga tauhan ng PDEA si Cataluña nang iniaabot na nito ang isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng halagang P500.
Nakuhanan rin si Pulma ng isang plastic sachet ng shabu.
May kabuuang 2.12 grams ang timbang ng shabu na nakumpiska sa dalawa.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.