KINUMPIRMA ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Manila City Jail na nakakulong ang dalawang preso na isinasangkot na holdapan ng ‘martilyo gang’ sa isang jewelry store sa Mega Mall sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Insp. Joseph Basig, hepe ng Para-legal section, handa ang mga opisyal ng BJMP sa Manila City Jail sa anumang imbestigasyon hinggil sa pagkakaugnay ng dalawang preso sa nasabing insidente.
Ang dalawa ay pinangalanang sina Glen Panday at Mark Calama ay kasalukuyang nakakulong sa MCJ kung saan sila ang itinuturo ng isa sa testigo na kamukha ng dalawa sa anim na nanloob sa jewelry store.
Nakulong ang dalawa dahil na rin sa pagkakasangkot naman sa kasong robbery with homicide matapos na iugnay sa Ongpin robbery noong Nobyembre 2011.
Kaugnay nito, nanindigan naman ang opisyal na hindi nila pinapayagan ang sinumang inmate na makalabas ng piitan maliban na lamang kung ipag-utos aniya ng korte.
Kinumpirma rin ni Basig na nagtungo na sa MCJ ang mga operatiba ng PNP-CIDG at kinunan ng pahayag ang dalawang bilanggo.
Nauna dito,tumagal lamang ng 2 minuto ang holdap at tinatayang mahigit P1milyon halaga ng alahas ang nakulimbat ng grupo.