ISINULONG ni Batanes Rep. Henedina Abad ang batas para alisin ang gender bias sa adultery at concubinage.
Sa ganitong paraan ay magiging patas na ang parusa sa mga may-asawa na mapatutunayang nagtaksil sa kanilang kabiyak, mapalalaki man o mapababae.
Sa kasalukuyang batas, ang isang misis ay maaaring ma-convict sa kasong adultery kapag ito’y napatunayang nakipagtalik ng kahit isang beses lang sa ibang lalaki.
Samantalang maaari namang papanagutin sa kasong concubinage ang isang lalaki kung ibabahay nito ang kanyang kabit sa conjugal dwelling; bulgar na makikipagtalik sa ibang babae; at pakikisama sa iisang bubong ng hindi kasal.
Binigyang-diin ni Abad na unfair ito para sa kababaihan lalo’t mas mabigat din ang parusa sa mga babaeng mangangaliwa kumpara sa mga lalaki.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Abad na dapat mas mababa ang parusa sa mga babaeng nag-commit ng adultery kung ito’y ginawa noong iwan siya ng asawa.
Ipinabababa rin ni Abad ang parusa sa prison correctional minimum at medium para sa mga babae o katulad ng parusa sa mga lalaki na pagkakulong ng mula anim na buwan hanggang apat na taon mula sa kasalukuyang dalawang taon hanggang anim na taon.
The post Parusa sa ‘kaliweteng’ partner dapat pantay appeared first on Remate.