HINILING ng GMA network na harangin ng Korte Suprema ang implementasyon ng Resolution 9615 ng Comelec na tumutukoy sa patakaran para sa pangangampanya.
Sa petition for certiorari with prayer for TRO, hiniling rin ng GMA na ideklarang null and void ng Korte Suprema ang ilang probisyon ng resolution 9615 na sa kanilang pananaw ay hindi makatwiran.
Kabilang sa kanilang kinukwestyon ay ang Section 9A ng nasabing resolusyon na tumutukoy sa aggregate o pinaikling airtime ng mga political ad at 7B na tumutukoy naman sa pagbabawal ng pagsasahimpapawid ng mga elections propaganda na idinonate o libre para sa isang kandidato ng walang written acceptance ng nasabing kandidato o partido nito.
Iginiit ni Atty. Lia Arles abogado ng GMA na nilalabag nito ang right to suffrage, freedom of speech and of the press.
Matatandaan na una nang umani ng batikos ang paghihigpit ng Comelec sa airtime ng pol ads, kung saan ngayon ay 120 minuto na lang para sa TV at 180 para sa radyo para sa tumatakbo sa national position at 60 minuto para sa tv at 90 minuto sa radyo para sa local post.