DINALA na sa National Bureau of Investigation (NBI) Taft Avenue sina Cedric Lee at Simeon Raz makaraang maaresto sa Eastern Samar.
Bago mag-alas-8 kaninang umaga nang lumapag sa NAIA Terminal II ang eroplano ng mga akusado sa pambubugbog sa actor/tv host na si Vhong Navarro.
Ayon sa NBI, pagkatapos isailalim sa kaukulang proseso ang dalawa gaya ng pagkuha ng mugshot ay pansamantalang ikukulong sina Lee at Raz sa detention facility ng NBI-NCR.
Nabatid na hiling ng kampo ni Lee na sa NBI detention cell sila ikulong, subalit ang korte ng Taguig ang magdedesisyon kung saan ikukulong ang mga akusado.
Nakatakdang iprisinta bukas, April 28 sa Taguig RTC sina Lee at Raz.
Tiniyak ni Lee na kanyang haharapin ang mga kasong serious illegal detention at grave coercion na isinampa laban kanila.
Nabatid na bagamat naaresto ang dalawa, makikita na in high spirit ang dalawa at nakangiti nang dumating sa Maynila sakay sa PAL galing Tacloban City.
Samantala, kapansin-pansin ang bahagyang pagpayat ng negosyanteng akusado, ngunit nilinaw nito na nagda-diet umano siya.
Iginigiit pa rin ng dalawa na sila ay hindi inaresto kundi sila ay sumuko sa awtoridad.
Inihayag ng NBI na kanilang pagtutuunan ng pansin ang planong pagtakas nina Lee at Raz gamit ang southern backdoor.
The post Cedric Lee at Simeon Raz nakakulong na appeared first on Remate.