INIREKLAMO na ng plunder sa Ombudsman ng grupo ng mga kabataan si Agriculture Secretary Proceso Alcala dahil sa pagkakasangkot nito sa multibilyong pork barrel scam.
Sa 13 pahinang complaint affidavit, iginiit ni Victor Villanueva, national convenor ng Youth Act Now at iba pang complainant na dapat ding makasuhan ng plunder at graft si Alcala dahil sa pagkakasangkot sa scam.
Ginamit na basehan ng grupo ang report ng Commission on Audit na nagsasabing P36 milyon pork barrel ni Alcala, noong siya ay Quezon Congressman pa, ang inilipat nito sa NGO na Economic and Social Cooperation for Local Development Foundation Inc.
Subalit nang i-liquidate, wala naman daw natanggap na tulong ang mga farmer beneficiaries sa Quezon.
Kasama rin sa reklamo laban kay Alcala ang pag-apruba naman nito sa paglilipat ng P39 milyong pondo sa mga Napoles NGO’s sa panahon ng panunungkulan bilang kalihim ng DA.
Ayon kay Villanueva, noon pa dapat kasama sa kinasuhan si Alcala pero dahil kaalyado ito ng Malakanyang ay hindi ito nakakasama sa iniimbestigahan kaya sila na ang kumilos.
The post Plunder vs Alcala inakyat na sa Ombudsman appeared first on Remate.