DALAWANG senatoriables at anim na party-list groups na iniulat na lumabag sa campaign rules ang pinadalhan na ng notice ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Law Department director Atty. Esmeralda Ladra, kabilang sa kanilang pinadalhan ng notice ay sina Risa Hontiveros ng Team PNoy at independent candidate na si Edward Hagedorn.
Pinuna rin at pinadalhan ng notice ng poll body ang party-list groups na Pwersa ng Bayaning Atleta (PBA); Buhay Hayaan Yumabong (Buhay); 1 Joint Alliance of Marginalized Group, Inc. (1JAMG); Piston Lang Transportation Coalition, Inc. (Piston); Kabataan; at LPG Marketers Association, Inc. (LPGMA).
Ani Ladra, nakasaad sa kanilang notice na inaatasan ang mga nasabing kandidato na alisin na ang kanilang campaign materials na sobra sa size o nakalagay sa hindi naman itinalagang common poster area.
Sinasabing ang poster ni Hontiveros ay nakalagay sa Dumaguete City habang ang kay Hagedorn naman ay sa Osmeña Highway sa Maynila.
Binigyan lamang ang mga ito ng tatlong araw ng Comelec para alisin ang kanilang illegal campaign materials upang hindi sampahan ng election offense.
Sinabi ni Ladra na sa ngayon ay wala pang sinuman sa mga ito ang umaksyon sa kanilang notice, habang ang “Buhay” naman ay iginiit na hindi sila ang naglagay ng kinukwestyong campaign posters.
Salig sa Comelec Resolution 9615 na pinapayagan lamang ang paglalagay ng mga campaign material sa mga itinalagang common poster areas para sa mga pampublikong lugar habang sa mga pribadong lugar naman ay dapat na may consent ng may-ari.
Ang sinumang lalabag rito ay maaaring mapatawan ng pagkabilanggo mula isa hanggang anim na taon, at matatanggalan ng karapatang makaboto at umupo sa public office.