PINALAGAN nina Cagayan Rep. Jack Enrile at Bayan Muna Rep. Teddy Casino ang bansag na “Team Patay” ng Simbahang Katoliko sa mga kandidatong sumuporta at nagsulong sa Reproductive Health Law.
Tinaguriang Team Patay o anti-life ng isang Obispo ang anim na senatorial candidates dahil sa pagboto pabor sa nabanggit na kontrobersyal na batas.
Kabilang sa Team patay sina Senador Francis Escudero, Loren Legarda, at Alan Peter Cayetano, Reps. Enrile, Casiño at dating Rep. Risa Hontiveros-Baraquel.
Ngunit iginiit ni Enrile na pangangatawanan niya ang kanyang boto pabor sa RH law dahil ito ay magbibigay sa mga kababaihan ng karapatan na magdesisyon para sa kanilang sarili.
Ayon pa rin sa kongresista ang RH ay hindi pamatay kundi ang kagutuman ang pumapatay sa tao. Nasa 20 milyong Pilipino ang nagugutom araw-araw.
Banggit pa ni Enrile na umaabot sa 11-15 ina ang namamatay kada araw sa Pilipinas kaugnay sa pagbubuntis at panganganak dahil sa kawalan o kakulangan ng access sa pinakasimple o basic reproductive health services.
Nadismaya naman si Casiño sa pahayag dahil ang RH law ay para sa kaligtasan at kalusugan ng mga babae at bata.