UMANI ng papuri sa National Press Club (NPC) ang Korte Suprema matapos ibasura ang ‘indirect contempt’ case na inihain ni Atty. Sigfrid Fortun, abugado ng mga Ampatuan, laban sa ilang mga kasapi ng media.
Ang reklamo ni Fortun ay patungkol sa lumabas na ulat hinggil sa isang kaso ng ‘disbarment’ na isinampa laban kay Fortun sa Mataas na Hukuman.
“Ang desisyon ng SC ay tagumpay hindi lang sa hanay ng mga inireklamo ni Atty. Fortun bagkus, tagumpay na naman ito ng malayang pamamahayag sa bansa,” ayon kay NPC president Benny Antiporda.
Sa 16-pahinang desisyon, nilinis ng korte sina Ces Orena-Drilon ng ABS-CBN, GMA news online Sophia Dedace, Inquirer online’s Tetch Torres, Philippine Star reporter, Edu Punay at mga opisyal ng Freedom Fund for Filipino Journalists (FFFJ).
Ayon pa kay Antiporda, “morale-booster” para sa mga mamamahayag ang naging desisyon ng SC bunga ng mga patuloy na banta sa buhay, panggigipit at karahasang dinaranas ng mga miyembro ng media.
“Sa kabila ng mga patuloy na banta sa ating hanay bilang mga mamamahayag, malaking tulong ang desisyon ng SC upang patibayin ang kalayaan ng pamamahayag sa ating bansa,” dagdag pa ni Antiporda.
Ayon pa sa SC, bilang isang kilalang abugado sa isang “celebrated case” katulad ng Ampatuan massacre case, “exemption to the rule” ang ginawang pag-uulat ng mga nabanggit na mamamahayag patungkol sa kanyang disbarment case.
Ipinunto naman ni Antiporda na ang nasabing ulat ay bahagi lang ng obligasyon ng media sa publiko na ipaalam sa mga ito ang ano mang mga pangyayari na may kaugnayan sa Ampatuan massacre.