PINABULAANAN ni newly-appointed Commission on Elections (Comelec) Commissioner Macabangkit Lanto ang mga alegasyon na nakinabang siya sa dayaan sa halalan kaya natanggal sa pagkakongresista noon.
Iginiit ni Lanto na siya pa nga ang biktima at nadaya dahil malaki aniya ang kanyang lamang sa katunggali sa eleksyon.
Ayon kay Lanto, noong unang buksan ang mga balota ay malaki ang kanyang lamang sa kalaban ngunit nang sumalang na aniya sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang kaso ay natalo siya dahil dinaya aniya ang mga balota.
“Ang protesta sa akin, ‘yun daw pagkabilang ng balota ay hindi raw nagtugma dun sa election returns, ngunit nung unang buksan nila ‘yung revisions… nung buksan nila ang mga balota, nakita namin at nakita nila na talagang malinis ‘yung entries, mga boto para sa akin na lalong lumaki ‘yung aking margin, ‘yung aking lamang,” paliwanag ni Lanto, sa isang panayam.
“Nag-usap kami ng abogado ko, sabi niya i-withdraw na natin ‘yung counter protest dahil masyadong lamang tayo,” ani Lanto. “Dun sa final recounting na, ‘yung decision doon, lahat daw ng Arabic script na boto sa’kin ay written by one person daw… Pangalawa, may mga markings, kung anu-anong nilagay sa balota na invalidate the votes, masyadong marami ito kaya natalo ako.”
Sinabi pa ng commissioner na kung tutuusin aniya ay siya ang naging biktima ng dayaan dahil nang umapela siya sa HRET ay hindi siya pinagbigyan. “I was a victim of cheating. Ako ang nadaya,” giit pa niya.
Kaugnay nito, naniniwala si Lanto na ang kanyang adbokasiya sa pagkakaroon ng reporma sa halalan ang posible aniyang dahilan upang piliin siya ni Pangulong Benigno Aquino na maging commissioner ng Comelec.
Bukod kay Lanto, itinalaga rin ni PNoy bilang bagong commissioner ng Comelec si election lawyer Bernadette Sardillo.
Sina Lanto at Sardillo ang magiging kapalit sa pwesto nina dating Comelec Commissioners Rene Sarmiento at Armando Velasco, na kapwa nagretiro noong Pebrero 2.