BAGAMA’T mahina pa o mild case pa lamang, nararamdaman na sa bansa ang epekto ng El Niño phenomenon.
Ito ang pagkukumpirma kaninang umaga (Marso 10) ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, isang short dry spell ang magaganap sa ilang parte ng Pilipinas at maaring mapahaba ang tag-tuyot o dry season.
“Kaya nga ito tinawag na weak El Niño kasi hindi masyadong defined. It may not persist for so long and the impact may not be as significant as we expect,” ani PAGASA climatologist Anthony Lucero.
Ang panahon aniya ay maaaring maging mainit simula sa Abril sanhi ng El Niño.
Nauna na itong naging prediksyon ng PAGASA na isang mild El Niño ang mararanasan sa bansa sa unang bahagi ng Marso.
Sa ulat, ang El Niño ay sanhi ng pagkabuwag ng ocean-atmosphere system sa Tropical Pacific na nakaaapekto sa panahon at klima sa paligid ng mundo. ROBERT TICZON