SINAMPAHAN ng kasong graft and corruption sa Ombudsman sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas at Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Joseph Emilio Abaya.
Ang kaso ay nag-ugat dahil sa kabiguan nitong aksyunan ang aplikasyon ng prangkisa sa 1,000 mga bus na pinatatakbo ng Compressed Natural Gas (CNG).
Sa reklamong inihain ni Rufino Lim Co, Pangulo at Chairman ng New Pantranco, sinabi nitong napilitan siyang kasuhan si Roxas gayundin ang pumalit sa kanyang puwesto sa DOTC na si Abaya dahil sa nakalipas na tatlong taon ay bigo pa ring tugunan ang kanyang petisyon na mabigyan ng prangkisa kahit pa positibo itong inendorso ng LTFRB.
Sa kabila ng paghikayat ng gobyerno na gumamit ng alternative fuel sa ilalim ng Clean Air Act ay binalewala ni Roxas, Abaya at iba pang opisyal ng DOTC ang kanyang negosyong CNG-fed buses.
Bukod sa kasong graft, nahaharap din ang mga ito sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Anti-Red Tape Act. JOHNNY ARASGA