HINDI nakaporma ang isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) matapos holdapin ng tatlong armadong lalaki na lulan ng isang van sa Baguio City nitong Miyerkules ng gabi (Marso 11).
Natangay sa biktimang si P01 Rodrigo Duagan Torres, 30, SAF member na nakatalaga sa Jolo, Sulu, ang pera nitong aabot sa P32,000, PNP ID, at ang sling bag na naglalaman ng cal. 45 na baril na pag-aari ng kanyang kaibigan.
Naglatag na ng hot-pursuit operation ang Baguio City police station laban sa mga suspek na lulan sa isang walang plakang Toyota Tamaraw FX.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8:45 p.m. sa Tacay Rd., Pinsao Proper, Baguio City.
Ayon kay Duagan, pauwi na siya at sakay sa kanyang motorsiklo nang biglang unahan siya ng van ng mga suspek.
Isa sa mga ito ang bumaba sa van at tinutukan siya ng baril habang ang dalawa naman ay nagsilbing lookout.
Nang makulimbat na ang pakay, mabilis na nagsitakasan ang mga suspek. ROBERT TICZON