ISINUMITE na kaninang umaga (Marso 13) ng Phillippine National Police (PNP) kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang report ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa Mamasapano clash.
Ang turnover ceremony ay naganap dakong 11:30 a.m. sa PNP headquarters sa Camp Crame, Q.C.
Sa isang press briefing, pinaa-upload ni Roxas ang ulat sa website para makita ng publiko. Kailangan aniyang malaman ng publiko ang kinalabasan ng imbestigasyon upang hindi pagdudahan.
Apatnapu’t apat na miyembro ng PNP-Special Action Force ang nalagas sa inilatag na operasyon ng kapulisan laban sa dalawang terorista sa Mamasapano, Maguindanao, pero humantong ito sa madugong engkwentro laban sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at BIFF members sa lugar.
Sinabi ng MILF na may hinihilot na peace agreement sa gobyerno, na 18 sa kanilang hanay ang nalagas sa nasabing bakbakan. ROBERT TICZON