KALABOSO sa kulungan ang isang barangay kagawad, local government employee, drug pusher at tatlong iba pa sa magkahiwalay ng buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Tacloban City at Barugo, Leyte nitong nakalipas na Marso 10, 2015 (Martes).
Kinilala ni PDEA Director General Usec. Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga nadakip na sina Domingo Militante, 55, kagawad ng Bgy. 21-A, Tacloban City; Albino Valentino Aruta, Jr., alyas Val, 51; Gil Aruta, 47, Admin Aide II ng Barugo local government; Samuel Avestruz, 60; Teopito Aruta, 48; at Roselito Negad, 40.
Ayon sa PDEA, nitong nakalipas na Marso 10 dakong 12:30 ng tanghali nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA Regional Office 8 sa ilalim ni Director Laurefel P. Gabales ng City Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (CAIDSOTF) at Tacloban City Police Office at nadakip si Militante matapos pagbilhan ng isang transparent plastic sachet ng shabu sa halagang P500 na ginamit na marked money. Nakumpiska din kay Militante ang isang green na improvised lighter.
Kasalukuyan ngayong nakapiit sa PDEA RO8 jail facility si Militante at nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, noong araw ding iyon dakong 5:30 ng hapon nadakip ng PDEA at Barugo Municipal Police station sa Sta Elena St., District III, Barugo, Leyte ang tatlong Aruta, Avestruz at Negad. SANTI CELARIO