NAI-RAFFLE na ang hirit na Temporary Restraining Order (TRO) ni Makati City Mayor Junjun Binay sa Court of Appeals (CA) para mapigilan ang 6-month preventive suspension na ipinataw sa kanya ng Ombudsman.
Dahil dito, bahagyang nakahinga nang maluwag ang kampo ni Mayor Binay matapos makaugnayan ang Department of Interior and Local Government (DILG) at makatiyak na hindi isisilbi ang suspension order ngayong weekend.
Ayon sa tagapagsalita ng pamilya Binay na si Atty. Rico Paolo Quicho, sinigurado sa kanila ng DILG na hindi dadaanin ng kagawaran sa pwersa ang pag-isyu ng kautusan mula sa Office of the Ombudsman.
Magugunitang noong Miyerkules pa nananatili si Binay sa Makati City Hall, na hinahatiran na lang ito ng damit at pagkain.
Maging ang kanyang mga tagasuporta ay hindi rin umaalis sa harapan ng Makati City Hall.
Samantala, ang hiling na TRO ng kampo ng alkalde CA ay hindi pa rin nabibigyan ng resolusyon.
Iginiit naman ni Binay na may pag-abuso sa kapangyarihan si Ombudsman Conchita Carpio Morales matapos siyang patawan ng suspensyon nang hindi pa nakukuha ang kanyang counter affidavit. JOHNNY ARASGA