ISA pang kongresista ang nadismaya kay Pangulong Aquino dahil sa pag-veto sa maituturing na mahalagang panuklalang batas na isinulong sa Kamara.
Ikinadismaya ni Cebu Rep. Pablo John Garcia ang ginawang pag-veto ni Pangulong Aquino sa panukalang height limit requirement sa mga gustong maging pulis, bumbero at jailguard.
Giit ni Garcia, may-akda ng House Bill 6203 na sa pamamagitan aniya ng nasabing panukala ay mabibigyan ng pantay na pagkakataon ang sinumang nagnanais na makapasok sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) AT Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Malaki ang paniwala ng kongresista na maraming beses na aniyang napatunayan na walang kinalaman ang taas ng isang tao sa efficiency nito sa trabaho.
Ang pamunuan ng BJMP ay nauna ng nagbigay ng suporta sa panukalang ito na nakasaad sa isang position paper sa pagsasabing mas epektibo pa ang maliliit na bumbero.
Nakapaloob sa panukala ang alisin ang limitasyon sa height dahil alinsunod sa Universal Declaration of Human Rights walang pinaiiral na diskriminasyon maging sa taas ng mga indibidwal.
Naunang ivineto ni Pangulong Aquino ang panukalang Magna Carta of the Poor noong nakaraang linggo na labis ding ikinadismaya ni Alagad partylist Rep. Rodante Marcoleta na siya rin pangunahing may akda ng nasabing panukalang batas.
Bukod sa nadismaya ay hinamon ni Marcoleta si PNoy na paaminin sa publiko si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na siyang may sala kung bakit nai-veto ang Magna Carta of the Poor dahil sa hindi naman naidaan sa bicameral conference ang naturang panukala.