IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa mga kandidato ng Team PNoy ang pagpatol sa hirit ng mga taga-United Nationalist Alliance (UNA) na handa na silang makipag-debate kahit saan at kahit kailan sa mga “manok” ng administration party.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, bahala na ang bawat kandidato ng Team PNoy kung lalahok sila o hindi sa isang debate.
“Magiging maganda po kung magkakaroon ng pagkakataon ang ating mga botante na makita po ‘yung kanilang mga posisyon sa iba’t ibang isyu na magkakasama po sila. Ngunit we leave the decision to the individual candidates whether their schedule will allow them to engage in a particular debate. Pero, certainly, the public will benefit from seeing them,” ayon kay Usec. Valte.
Nauna nang hinamon ng UNA ang mga kandidato ng Team PNoy para sa isang debate upang malaman anila ng publiko kung sino ang mas tapat at karapat-dapat na maglilingkod sa bayan.
Sinabi ni UNA senatorial candidate Richard Gordon na posibleng umatras at mabahag ang buntot ng mga o ng Team PNoy dahil hindi aniya magagaling ang mga ito sa debate.
Tikom naman ang bibig ng Malakanyang sa patuloy na pasaring ng mga kritiko ni Pangulong Benigno Aquino III ukol sa political dynasty.