MULING pinaalalahanan ng Office of the Ombudman ang mga government officials at mga kawani nito hinggil sa itinakdang deadline para sa paghahain ng kani-kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN).
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na alinsunod sa isinasaad ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, mayroon na lamang hanggang Abril 30 ang mga kawani ng pamahalaan para magsumite ng kani-kanilang deklarasyon hinggil sa mga inaangking yaman.
Una nang naglabas ng bagong SALN form ang Civil Service Commission para sa mga government officials at employees kasunod ng kontrobersiyal na impeachment case ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Nagbabala pa si Morales na ang kabiguan nang sinoman sa paghahain ng SALN ay may karampatang parusa na mula isa hanggang anim na buwang suspensyon at posibleng pagkakasibak sa serbisyo.
Sa ilalim ng batas, ang lahat ng mga government officias at employees ay dapat maghain ng SALN sa loob ng 30 araw ng kanilang panunungkulan o bago ang Abril 30 ng bawat taon at sa loob ng 30 araw matapos ang kanilang pagbibitiw sa serbisyo.