NANANATILING solido ang Team PNoy bilang malakas na partidong babanggain ng United Nationalist Alliance (UNA) sa eleksyon, Mayo 13.
Ito ang tiniyak ni Presidential spokesman Edwin Lacierda sa kabila ng di umano’y iringan sa pagitan nina Senador Loren Legarda at Senador Alan Peter Cayetano, kapuwa senatoriables ng Team PNoy.
“Narinig ko po ang komento po ni Senator Frank Drilon, campaign manager ng Team PNoy. Ang sabi po niya, solid po ang Team Pnoy, so solid din po si Senator Legarda bilang isang loyal team player po. ‘Yon po ang kaniyang sinabi so wala ho kaming dahilan para isipin na hindi ho sila solid ang Team Pnoy,” ani Sec. Lacierda.
Bukod dito aniya ay isang linggo na lamang ang natitira at eleksyon na sa bansa kaya’t walang dahilan para patulan pa ng Team PNoy ang ganitong mga alegasyon sa kanilang mga kapartido.
“At saka, tulad ng sinabi ko na pinadala ko po sa inyo kahapon—nagpadala si Senator Loren Legarda ‘yung kaniyang text : “I truly appreciate the wholehearted support of the President, and I am appreciative of the Team Pnoy camaraderie.” ‘Yan po ang text po ni Senator Loren Legarda po sa akin,” ang pahayag ng opisyal.
Nauna ng sinabi ni UNA spokesman Toby Tiangco na nagsisiraan na ang mga kandidato ng Team PNoy kasunod ng kontrobersyang kinakaharap ni Sen. Loren Legarda hinggil sa umano’y itinagong ari-arian sa US at pakana daw ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Tiniyak ni Sec. Lacierda na walang mangyaring laglagan at tuloy lamang ang kampanya ng Team PNoy para sa panalo ng 12 kandidato.