UMAPELA ang Malakanyang sa mamamayan ng Taiwan na tratuhin ng maayos ang 42,000 Filipino migrant workers doon sa kabila ng matinding tensyon dulot ng pagkakapatay sa isang Taiwanese fisherman sa karagatan ng Batanes noong nakaraang linggo.
Ani Presidential spokesman Edwin Lacierda, hindi na makatarungan ang ulat na kanilang natanggap na may OFWs na ang minamaltrato ng kanilang Taiwanese na amo kahit na nauna nang nakiusap ang gobyerno ng PIlipinas na huwag idamay ang mga ito sa nagaganap na tensyon ng dalawang bansa.
“Naniniwala kami na ito pong naiuulat na ginagawa ng iilang mga Taiwanese ay isolated incidents lamang. Hindi ito kagagawan ng sambayanang Taiwan. Naniniwala kami at nirerespeto namin ang ating mga kaibigan na nasa Taiwan. But let me also again appeal to them, to the Taiwanese people, to refrain from hurting or making our Filipino compatriots there as instrument of their anger,” ani Sec. Lacierda.
Umaasa ang Malakanyang na magiging maganda ang trato ng mga mamamayan ng Taiwan sa mga Pinoy doon dahil maganda naman ang trato ng mga Pinoy sa mga Taiwanese na nasa Pilipinas ngayon.
Nauna rito, sinabi ng Department of Labor and Employment (DoLE) na may mga Pinoy sa Taiwan ngayon ang wala nang trabaho at inalis sa trabaho dahil sa pagkamatay ng Taiwanese fisherman na si Hung Shi-chen.
Para naman sa Justice Department, ide-determina ng National Bureau of Investigation (NBI) kung ano talaga ang nangyari sa Philippine-Taiwan border at malaman kung mayroong dapat na managot sa pagkamatay ni Hung Shi-chen.