INIANUNSIYO ng Commission on Elections (Comelec) en banc na tuloy ang partial proclamation ng mga nanalong senador sa isinasagawang canvassing of votes para sa May 13 midterm elections mamayang gabi.
Ito’y matapos ibasura ng Comelec en banc na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), ang kahilingan ng United Nationalist Alliance (UNA) na itigil ang proklamasyon.
Sa kabila nito, hindi pa tinukoy ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. kung ilan ang maaari nilang maiproklama mamaya.
Dedesisyunan pa umano nila ito sa isang resolusyon na ilalabas nila matapos ang isang oras.
Unang inianunsyo ni Brillantes nitong Huwebes ng umaga na maaaring makapagproklama sila ng mula lima hanggang anim na nananalong senatoriables.
Kung pagbabasehan ang mga botong naka-canvass na ng NBOC, batay sa 66 Certificates of Canvass (COC), kabilang sa mga maaaring maiproklama ay sina Grace Poe na patuloy na nangunguna sa canvassing at may botong 6, 504, 294; (2) Loren Legarda na may 5, 967, 495 boto; (3) Alan Peter Cayetano na may 5, 597, 679 boto; (4) Francis Escudero na may 5, 581, 201 boto; (5) Nancy Binay na may 5, 315, 184 boto at (6) Sonny Angara na may 5, 232, 977 boto.
Nabatid na nasa ikapitong puwesto naman si Bam Aquino na may botong 4, 927, 748, sumunod si (8) Koko Pimentel (4, 828, 881 votes); (9) Antonio Trillanes IV (4, 666, 117); (10) JV Estrada (4, 602, 150); (11) Cynthia Villar (4, 504, 611), (12) Gringo Honasan (4, 335, 339) at (13) Richard Gordon (4, 254, 472).