PINAYUHAN ng isang Arsobispo ng Simbahang Katoliko ang mga mamamayan na maging mapagbantay laban sa aniya’y posibleng ‘dictatorial moves’ ng Malakanyang sa sandaling makontrol na nito ang Senado at Kongreso.
Ang payo ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ay kasunod nang pagbibitiw ni Senator Juan Ponce-Enrile bilang Senate President.
Inaasahan namang papalitan si Enrile sa pwesto ni Senator Franklin Drilon, na kilalang malapit na kaalyado ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, sa pagbubukas ng 16th Congress.
“With such a development, who says there is no virtual dictatorship in the country?” ayon kay Cruz.
“The people better watch out of dictatorial moves of Malacañang and faithful followers,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Cruz na isa sa mga dapat na bantayan ng mga mamamayan ay ang posibilidad na pagsusulong ng pamahalaan ng Charter Change o pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa kabila ng paghayag ni PNoy na hindi siya interesado sa ChaCha, naniniwala si Cruz na isa ito sa mga dahilan kung bakit pursigido ang administrasyong Aquino na makontrol ang Senado at Kongreso.
Nabatid na noong nakaraang buwan, inilutang na umano ni House Speaker Sonny Belmonte, na kaalyado rin ni PNoy, ang ideya ng ChaCha matapos na manalo sa halalan ang karamihan sa mga kaalyadong Senador at Kongresista ng administrasyon.
“Better watch out for the coming three years when the Philippine Constitution could be amended,” ayon pa kay Cruz.
Samantala, kaugnay pa rin ng pagpapalit ng Senate leadership, nangangamba naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles, dating bishop ng Military Ordinariate of the Philippines sa posibilidad na ibalik sa Pilipinas ang United States military bases.
“Watch out for the pro-US policies, specially the return of military bases, only Senate can ratify,” ayon pa kay Arguelles.
The post ‘Dictatorial moves’ ng Malacañang, bantayan appeared first on Remate.