DALAWANG malakas na pagsabog ang yumanig sa Bago Bantay, Quezon City kaninang madaling araw (Hunyo 7) na ikinasira ng dalawang bahay, sasakyan at isang talyer.
Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa pagsabog na nangyari dakong alas-2:00 ng madaling araw sa isang talyer sa Ilocos Sur St, Bago Bantay na pag-aari ng isang nagngangalang Sharmaine Tating.
Hindi naman makumpirma pa ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Explosives and Ordinance Office (EOO) kung anong klaseng bomba ang sumabog.
Pero tiniyak naman agad ng (QCPD-EOO) na ito ay isang eksplosibo dahil ayon sa mga nakasaksi, sa lakas ng pagsabog ay napataas nito ang mga sasakyan na nasa talyer.
Kabilang sa mga nasirang sasakyan ay isang Opel Vectra at isang Hyundai Matrix na kapwa ipinakukumpuni sa nasabing talyer.
Nadamay rin sa pagsabog ang ilang kabahayan malapit sa pinagyarihan ng pagsabog.
Ayon sa isang residente na halos 10 metro lamang ang layo sa talyer, “nag-crack yung pinakapader ng bahay namin, basag ‘yung mga salamin, ‘yung mga appliances nagsibagsakan.”
Sa panayam kay Tating, posibleng may kinalaman umano ang pagsabog sa isang nangungupahan sa kanilang apartment na si Atty. Jesus Abeleda.
Pinapaalis na nila ang nasabing abogado dahil gagamitin na nila ang property bukod pa sa mahigit isang taon na itong hindi nakababayad ng upa.
Sa katunayan aniya, may ejectment case na silang isinampa laban dito at ayon pa kay Tating ay binantaan na siya ni Abeleda noong nakaraang Linggo.
Samantala, wala pang statement ang naturang abogado ukol sa alegasyon ng pamilya Tating.
The post Twin explosions sa QC, 3 bahay, 2 sasakyan, talyer, nasira appeared first on Remate.