KINUWELYUHAN ng pulisya ang anak ni dating Senator Jovito Salonga hinggil sa P11-million estafa case na isinampa laban sa kanya at sa kanyang tatay sa pagbenta ng isang condominium unit sa Tagaytay City noong 1997.
Si Esteban Salonga, na natalo sa gubernatorial race sa Rizal nitong nakaraang eleksyon ay nakalaya rin matapos magbayad ng P160,000 bail.
Inilarawan naman ng batang Salonga ang pagdakip sa kanya na isang “harassment,” dahil ang mismong Silang police sa Cavite ang nagsilbi ng kanyang arrest warrant.
Isinilbi ng Silang policemen ang arrest warrant na ipinalabas ni Judge Danilo Cruz ng Pasig City Regional Trial Court, Branch 152 laban kay Salonga sa kanyang opisina sa third floor ng Tower B, Goldloop Tower 1 sa Goldloop Square sa Ortigas Center, Pasig City pasado alas-10:30 ng umaga kahapon (Hunyo 6).
Tinanggap ng batang Salonga ang arrest warrant sa harap ng kanyang abogado na si Atty. Roberto Mendoza, pahayag ni Inspector Abad Bueno ng Silang police.
Matapos naman magpiyansa sa sala ni Cruz sa kasong eight counts ng estafa, pinalaya na si Salonga dakong alas-3:00 ng hapon.
Sinabi ni Bueno na hindi nila maisilbi ang arrest warrant laban sa matandang Salonga dahil na rin sa may sakit na ito.
Ang mag-amang Salonga ay kinasuhan ng estafa ng isang Dr. Restituto Buenviaje sanhi ng hindi pag-turn over ng isang condo unit sa Tagaytay City na binili ng complainant noong Mayo 29, 1997.
The post Anak ni ex-senator Salonga, tiklo sa estafa appeared first on Remate.