MALAKI ang paniniwala ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na tanging korte lamang ang makareresolba sa isyu ng pagbabawal sa pagbiyahe ng bus sa Maynila.
Ani LTFRB Chairman Winston Ginez na tama ang bus operators sa pagsasabing maaari silang pumasok ng Maynila dahil iyon ang nakalagay sa kanilang prangkisa.
Pero may karapatan din anya si Manila Mayor Erap Estrada at iba pang lokal na opisyal na i-regulate ang pagpasok ng bus sa lungsod lalo’t nakapagpapabigat ito ng trapiko.
Ang dapat anyang matukoy ng korte ay kung “reasonable regulation o prohibition” ang ipinatutupad ng Maynila.
“Ang ating mga korte ang talagang makapagbibigay ng solusyon sa problemang ito, dahil iba ho ang pananaw namin sa LTFRB at iginagalang naman namin ang pananaw ng mga opisyal ng Maynila at ang bus operators natin gumagawa na ng sariling legal na hakbang tungkol ito.”
Una nang inihayag ng Eastern Fairview-Quiapo Bus Operators Association (EFQBOA) na nasa 700 bus ang papasok na muli sa Maynila ngayong araw sa kabila ng kawalan ng kontrata sa terminal at sticker pero nagbanta naman si Erap na huhulihin nila ang mga ito.
The post Isyu ng bus ban sa Maynila idulog sa korte appeared first on Remate.