KINUWESTYON ni House Committee on National Defense Chairman at Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon ang mas maliit na intelligence funds ng Department of National Defense kumpara sa Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police.
Pinuna ito ni Biazon sa budget hearing ng DND at Armed Forces of the Philippines matapos mapag-aralan na malaki ang intelligence funds ng DILG at PNP.
Banggit pa ng kongresista na nakapagtataka ito dahil ang DND aniya at ang AFP ang nangangasiwa sa seguridad ng buong bansa.
Ang intelligence funds ng AFP ay nasa P246 milyon lamang samantalang ang sa DILG at PNP ay P306 milyon.
Aminado naman si DND Secretary Voltaire Gazmin na kahit sila sa military establishment ay nagtataka at nagtatanong kung bakit mas maliit ang kanilang intelligence fund.
Kinumpirma naman ng Budget Department na talagang mas mababa ang intelligence funds ng DND at AFP kumpara sa DILG at PNP dahil ang Defense department ay pwedeng humirit ng augmentation fund mula sa president’s fund.
Nilinaw na tanging ang DND lamang ang kagawaran ng gobyerno na pwedeng humingi ng dagdag na intelligence funds sa Malakanyang dahil ang pangulo ang nagsisilbing Commander-in-Chief ng AFP.
Samantala, nabanggit din sa budget hearing na madaragdagan ang allowance ng mga miyembro ng Presidential Security Group na nagbabantay sa seguridad ni Pangulong Aquino.
Nakapaloob sa P121.292 bilyon na panukalang budget ng DND sa 2014 ang P130 milyon para sa additional allowance ng mga miyembro ng PSG subalit hindi idinetalye kung magkano ang dagdag bawat isa.
The post Mas malaking Intel fund ng DILG kinuwestiyon appeared first on Remate.