ISANG araw matapos mag-resign si NBI Director Nonnatus Rojas ay isang deputy director naman ng ahensya ang nagbitiw sa puwesto sa gitna ng imbestigasyon sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Si NBI Deputy Director for Administrative Services Edmundo Arugay ay naghain na rin ng courtesy resignation, epektibo sa Setyembre 14.
Nauna rito, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na tatlo hanggang apat na NBI deputy directors ang nag-leak ng impormasyon sa kampo ni Janet Lim Napoles hinggil sa warrant of arrest nito kaugnay sa kasong illegal detention na inihain ng whistle blower na si Benhur Luy.
Ayon pa sa kalihim, ilang ulit na ring nabanggit ang pangalan ng mga ito sa trust and integrity issues, subalit tumanggi naman ang kalihim na pangalanan ang mga ito.
Kasabay nito, nilinaw ni de Lima na hindi kabilang si NBI Deputy Director for Regional Operations Services Virgilio Mendez.
Nauna nang nagpahayag si Mendez ng kahandaan na magbitiw sa tungkulin.
The post Dep. Dir. Arugay nagbitiw na rin sa NBI appeared first on Remate.