DAHIL menor de edad nang mahuli sa kasong carnapping noong 2011, swak na ngayon sa kulungan ang isang binata nang muli itong magnakaw ng sasakyan sa Quezon City.
Ang suspek na si Mark Joseph Reyes Jr., 19, ay nakuwelyuhan sa kanto ng Cuenco at Banawe Streets habang minamaneho ang isang kulay puting Honda Civic sedan (QCG-898), na nakarehistro sa pangalan ng isang Gatsby Fay Balanay, 27-anyos, residente ng Sampaloc, Manila.
Bago ito, sinabi ni Supt. Osmundo De Guzman, La Loma police station commander, na ang suspek at ang tatay nito ay nahuli may dalawang taong na ang nakararaan dahil sa pagnanakaw ng isang Toyota Fortuner na pag-aari ni Social Security System Vice President Alfredo Villasanta.
Matapos mahuli, nagpiyansa naman agad si Reyes Sr. pero dahil sa isang menor de edad ang kanyang anak na si Reyes Jr. ay hindi ito kinasuhan.
Pero muling nangailanan si Reyes Jr. kaya muling nagnakaw ng sasakyan pero kahit pinalitan na ang plaka ay namukhaan pa rin ng tiyuhin ni Balanay ang sticker design na nasa hood at trunk ng kotse.
Ayon sa tiyuhin ni Balanay, bago na ang nakalagay na plaka na ngayon ay WRK-718 kaya dumulog agad ang magtiyo sa La Loma police station para sa kaukulang disposisyon.
Nang mahuli at beripikahin, ibang plaka na ang nakalagay pero ang chassis number at ang engine number ay kumpirmadong kotse ni Balanay.
The post Teenager, balik-selda sa parehong kaso appeared first on Remate.