NAKIISA ang mga Pilipino sa pagpupugay sa pormal nang pagiging Santo nina St. John Paul II at St. John XXIII ngayong araw.
Nabatid na kabilang ang mga Pinoy sa milyong Katoliko na nagtipon sa Roma nitong Linggo para sa isang banal na misa para sa kanonisasyon ng dalawang maimpluwensyang santo papa, na kapwa naging malapit sa puso ng mga tao at tumulong sa paghubog ng kasaysayan ng ika-20 siglo.
Itinuturing na makasaysayan ang kanonisasyon dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang ruling pope, sa katauhan ni Pope Francis, at isang nabubuhay na dating pontiff, sa katauhan ni Pope Benedict XVI, ang magkasamang nanguna sa isang banal na misa.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na dalawang Santo Papa ang magkasabay na isinailalim sa kanonisasyon sa loob ng isang araw lamang.
Ang seremonya ay ipinaabot sa pamamagitan ng iba’t ibang lengguwahe sa isang higanteng screen sa paligid ng lungsod kabilang na ang Fiumicino airport, Colosseum at Piazza Navona.
Ipinakita rin ito sa 3D sa mga sinehan sa buong mundo mula sa Argentina hanggang sa Lebanon at live na itinu-tweet sa ilalim ng Vatican hashtag na #2popesaints.
Itinuturing si Blessed John Paul II bilang susi sa pagbagsak ng komunismo. Hinahangaan din ang paglilibot nito sa buong mundo para ilapit ang Simbahan sa mga mahihirap, mga katutubo, at mga may sakit. Hindi rin mapapantayan ang pakikipagdayalogo nito sa iba’t ibang lider ng ibang relihiyon gayundin sa ibang denominasyon ng Kristiyanismo para isulong ang ekumenismo.
Si Blessed John XXIII naman, na tinaguriang “The Good Pope”, ang nagpasimula ng Second Vatican Council na nagpatupad ng mga reporma sa Simbahang Katoliko. Kilala itong karismatiko, simple, at malapit sa tao gaya ng kasalukuyang si Pope Francis.
The post Pinoys nakiisa sa pagpupugay sa 2 bagong Santo appeared first on Remate.