PINAGBIBITIW ni Sen. Bong Revilla ang chairman ng Senate Blue Ribbon committee kung hindi maipalalabas ang pinakahuling listahan na nagdidiin sa iba pang mambabatas na isinasangkot sa pork barrel scam.
Ang nasabing listahan ay ang isinumite ni Janet Lim-Napoles, ang tinaguriang ‘pork barrel queen’ kay Justice Sec. Leila de Lima kamakailan.
Sa panayam kay Revilla nitong Miyerkules, iginiit niya na dapat ilantad na sa publiko ang listahan para mabigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag ang iba pang idinadawit sa isyu.
Magagawa lamang aniya ito kung mismong chairman ng komite ay magpapatawag ng muling pagdinig at i-compel si De Lima na ilabas ang listahan.
Duda rin ang senador na oobligahin ni Guingona si De Lima na ilabas ang listahan.
Gayunpaman, hinamon pa rin ni Revilla si Guingona na muling magpatawag ng pagdinig at atasan ang kalihim ng DoJ na ilabas ang listahan na isinumite ni Napoles.
Samantala, ipinauubaya naman ni Senate Pres. Franklin Drilon sa Senate Blue Ribbon Committee kung ano ang magiging desisyon nito sa usapin.
The post Guingona pinagbibitiw kung ‘di mailalabas ang Napoles list appeared first on Remate.