INIULAT ngayon ng Commission on Audit (CoA) na ang Office of the President ay gumastos ng P2.213 bilyon noong 2012, halos doble sa P1.134 bilyon ng 2011.
Pinakamalaki ayon sa CoA report na pinaglaanan ng pondo ay ang “maintenance and other operating expenses” (MOOE) na halos tatlong beses ang paglobo mula sa P629.757 milyon ng 2011 sa P1.672 bilyon ng 2012.
Tumaas din ang gugol sa Personal Services (PS) ng P36.35 milyon mula sa dating P504.33 milyon ng 2011 sa P540.684 milyon ng 2012.
Nasa ilalim din ng PS ang “other bonuses and allowances” na lomolobo taun-taon mula sa P3.23 milyon sa P10.92 milyon at maging ang “year end bonuses” ay tumaas ng mula sa P27.03 milyon sa P31.58 milyon.
Ang breakdown ng MOOE ng 2012 ay nakapaloob sa Statement of Income and Expenses kung saan kapansin-pansin ayon sa ulat ang item na “Confidential Expenses” na may pinakamalaking pondong nagastos na nasa P638 milyon.
Nilinaw din ng COA sa Notes to Financial Services portion ng audit report na nasa P500 milyon lamang ang nagastos sa confidential expenses ng 2012.
Pangalawa sa pinakamalaking gugol ng OP na nasa 2012 MOOE ay ang “repair and maintenance – aircraft and aircraft ground equipment” na umaabot sa P264.107 milyon kumpara sa P53.94 milyon ng 2011.
Maging ang ginugol para sa foreign travels ng 2012 ay tumaas din at umabot ito sa P147.24 milyon mula sa P84.41 milyon ng 2011.
Kasabay nito ay hinimok ng COA ang Office of the President na atasan ang mga incumbent at dating mga government officials na mag-liquidate ng cash advances na nasa P447.7 milyon ng December 31, 2012.
The post Gastos ng Office of the President dumoble-CoA appeared first on Remate.