MABUTING sumuko na ang mga natitirang miyembro ng Sulu Sultanate sa Sabah, Malaysia nang walang kondisyon para sa mapayapang pagresolba sa tensyon.
Ito ang sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na muling humihikayat sa kampo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III na sumuko na at umuwi na sa bansa.
Kinausap ni Pangulong Aquino ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa Malakanyang ngayong araw kaugnay sa tensyon sa Sabah.
Ayon sa Pangulo, nangyari na ang iniiwasan ng pamahalaan dahil sa aniya’y pagmamatigas ng grupo.
“Sa ating mga mamamayan sa Lahad Datu, simula’t sapul hangarin namin na maiwasan ang pagkawala ng buhay at pagdanak ng dugo. Ngunit hindi kayo nakiisa sa layuning ito. Dahil sa paraang pinili ninyo, nangyari na ang iniiwasan,” ayon kay Pangulong Aquino sabay sabing “Sa inyong may impluwensiya at may kakayahang makiusap sa kanila, pakiabot ang mensaheng ito: Sumuko na kayo ng walang kondisyon.” bahagi ng mensahe ng Pangulo.