WANTED sa Manila Police District and isang pulis Bicutan matapos na personal na ituro ng tatlong biktima nito kabilang ang isang negosyante at mga vendor na kanyang kinutungan ng tinatayang P182,000 cash sa magkahiwalay na insidente sa Tondo, Manila.
Dumulog ngayon sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (GAS) ang biktimang sina Eric Garuza, 37, may-asawa, isang jeepney operator ng In Jesus Name, ng 2970 J. Abad Santos Ave., Manuguit, Tondo; Roger Baguid Jr., 25 ng 309 A. Maria Payo St., Tondo at Macario Albao, 38 ng 1481 Tadlan St., Sta Cruz, Manila upang ireklamo si PO1 Eduardo Salamat Jr., umano’y nakatalaga sa National Capital Regional Office (NCRPO) sa Bicutan, Taguig City.
Ayon kay SPO1 James Poso ng MPD-GAS, naganap ang unang insidente dakong 1:15 ng madaling araw sa loob ng garahe ng mga pampasaherong jeepney na pag-aari ni Garuza sa 2970 J. Abad Santos Ave., Manuguit, Tondo noong February 24 habang ang huling insidente ay naganap dakong 2:30 ng madaling araw sa Balbao St., Divisoria, Tondo.
Nauna rito, natutulog umano si Garuza, ng gisingin siya ng kanyang mga tauhan upang ipaalam na sapilitang pinasok siya ng suspek na nakasuot ng uniporme at naka-jacket ng itim at sapilitang kinuha ang P30,000 cash na boundery/remmitance ng kanyang mga drivers.
Kinabukasan ay nagtungo si Garuza at mga driver nito sa mga presinto upang kilalanin ang suspek subalit hindi nila ito nakita dahilan upang mag-report sa MPD-GAS kung saan kinilala nila ang suspek sa pamagitan ng photo gallery.
Sina Baguid at Albao ay nagtitinda naman sa nasabing lugar nang dumating ang suspek at puwersahang kinuha ang kanilang napagbentahan na umaabot sa P152,000 cash.
Kanila naman inireport ang insidente sa MPD-GAS kung saan kinilala rin nila ang suspek sa pamagitan ng photo gallery.
Napag-alaman na ang suspek ay dati nang nakatalaga sa MPD-DPHRDD subalit nailipat umano sa Bicutan noong 2009.
Ang suspek ay sinampahan na ng kasong robbery extortion at robbery holdup.