IPINAG-UTOS ni Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Justice (DOJ) ang agarang paghahain ng kasong kriminal at administratibo laban kina Chief Supt. James Melad, Supt. Hansel Marantan at iba pa na pawang sangkot sa madugong insidente sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013.
Binasa ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte ang isang kalatas na nagsasabi na buong tinanggap ni Pangulong Aquino ang findings na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa nasabing insidente na nagresulta ng pagkamatay ng 13 katao kabilang na rito ang ilang alagad ng batas.
“After a thorough review of the NBI Executive Report on the incident in Atimonan, Quezon, the President has accepted its findings in full. He has directed Secretary of Justice Leila de Lima to file the appropriate criminal and administrative charges against Hansel Marantan, [Chief Superintendent] James Andres Melad, and others,” ang pahayag ni Usec. Valte.
Si Melad ay hepe ng Calabarzon police noong panahon na mangyari ang ‘madugong checkpoint’ sa Atimonan.
“From the very start, the President had assured the public of a thorough investigation which would be the basis for holding to account, those found culpable in this incident,” ani Valte.
Tanging ang NBI lamang ang ahensiya ng pamahalaan na inatasan ni Pangulong Aquino na sumuri sa insidente.
Sa report, sinasabing pinagbabaril ng mga sangkot na pulis ang mga biktima kahit na nakahandusay na ang mga ito sa lupa.