PINAGTATAGA hanggang sa mamatay ang isang miyembro ng “Lupong Tagapamayapa” ng kanyang kainuman sa Barangay Lower Olave, Buenavista, Agusan del Norte, Huwebes ng hapon.
Sa imbestigasyon lumalabas na ang biktima na si Wilfredo M. Lumucso, 41-anyos at residente ng naturang lugar, ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan, kasama ang suspek na si Mark Brian Ubanan, dakong alas-dos ng hapon,
Sa kalagitnaan ng inuman at pagsasaya ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Lumusco at Ubanan hanggang sa kumuha ng bolo ang suspek at makailang ulit na pinagtataga ang biktima.
Namatay noon din ang biktima dahil sa tinamong taga sa iba’t ibang parte ng katawan habang mabilis namang tumakas ang suspek.
Ikinasa na ng Buenavista police ang manhunt operation para sa ikadarakip ng suspek.