WALANG kinalaman ang Malakanyang sa naging desisyon ng Ombudsman na isailalim sa 6-month preventive suspension sina Makati mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at iba pang Makati officials na pare-parehong nahaharap sa kasong graft na may kaugnayan sa diumano’y overpriced na Makati Parking Building.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, bahagi ng normative procedure ng Ombudsman ang naging desisyon nito sa grupo ni Mayor Binay.
“It is the decision of the Ombudsman, an independent body,” ayon kay Sec. Lacierda.
Sa ulat, nagdesisyon ang Ombudsman na patawan ng preventive suspension sina Binay kahit na nakabinbin ang imbestigasyon ng Makati carpark complaint.
Nakatakda namang simulan ng Ombudsman ang kanilang preliminary investigation laban kina Vice-President Jejomar Binay, anak nitong si Mayor Binay at 22 iba pa na nahaharap sa malversation, falsification, graft at paglabag sa procurement law na may kaugnayan sa Makati City Hall Parking Building. KRIS JOSE