ITINANGGI ni PNP officer-in-charge Leonardo Espina na nagpalabas na siya ng gag order kay relieved SAF chief Getulio Napeñas kaugnay ng Mamasapano bloody encounter.
Sa turnover ceremony ng 55 bagong sasakyan ng PNP sa Camp Crame kaninang umaga (Marso 11), sinabi ni Espina na hindi siya nag-iisyu ng anomang gag order para pigilan ang sinomang magbigay ng pahayag sa publiko.
Gayunman, binanggit naman ni Vitaliano Aguirre, abogado ni Napeñas, na sinabihan sila ng pamunuan ng PNP na huwag munang magsalita sa isyu ng operasyon sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na miyembro ng SAF.
Pero napilitan na nilang basagin ang kanilang katahimikan matapos direktang sisihin ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang kliyente sa isang pahayag noong Lunes.
Kaugnay nito, pinuri naman ni Espina ang Board of Inquiry (BOI) bagama’t naantala ang pagsusumite ng report kaugnay ng insidente sa Mamasapano.
“Napakahirap na trabaho niyan. You spend sleepless hours tapos deliberation and everything, iko-collate mo kasi napakarami,” ani Espina. “They have my highest respect.”
Inaasahan na ngayong Huwebes na isusumite ng BOI ang report, at ayon sa PNP-OIC ay ibibigay ito sa kanya pero isusumite rin agad kay DILG Sec. Mar Roxas.
“Its supposed to be fact-finding, hindi siya prosecutoral,” saad pa ni Espina ukol sa BOI report.
Umaasa lang aniya siyang magiging kumpleto ang BOI report at masasagot ang lahat ng katanungan sa pagkasawi ng 44 na tauhan. ROBERT TICZON